Thursday, October 16, 2014

Sa Paglalapi

Sobrang hirap ituro ng paglalapi.

May kaibigan kaming lumaki sa isang Chinese-English-Filipino-speaking community. Pero sa tatlong yun, pinakamadalang na ginagamit ang Filipino. Kaya nung pagpasok nya nung UP, pumasok na yung konsepto ng register na kailangan nyang mag-Filipino sa pagkausap sa aming mga bago nyang kaibigan. Agad-agad ay kapansin-pansin ang kanyang pagsasalita.

Yung accent madaling palagpasin. Yung kakulangan sa vocabulary, naaagapan. Pero sobrang hirap ipaliwanag ng paglalapi. Noong unang linggo naming magkakasama, bigla na lang natitigil ang usapan kapag may mga kakaibang mga salita kaming naririnig, na hindi naman talaga kakaibang salita kundi mga salitang kakaiba ang paglalapi. Kung bakit iba ang lumakad sa nilakad at kung kailan ginagamit ang mga ito, at kung bakit gingamit ang nagsisilakad imbis sa naglalakaran. Minsan ay nakalilibang isipin kung sa aling salita galing ang mga rules na ginagamit nya sa paglalapi ng ibang salita, at mula sa repleksyong ito ay madaling makita na walang clear-cut rules sa paglalapi sa wikang Filipino.

Hindi natin nararamdaman ang hirap na ito dahil lubog na tayo sa wikang Filipino bilang lingua franca. Walang pormal na edukasyon tungkol sa paglalapi - bigla na lang natin itong naiintindihan at ginagaya. Kaya't minsan, isang katanggap-tanggap na tanong sa pagitan ng mga nagsasalita sa Filipino ang "May ganyang salita ba?", at hindi ito dahil sa kahulugan, kundi dahil sa porma ng paglalapi, lalo na sa mga kakaibang salita.

Matapos ma-expose sa amin, naging mas matatas na sya sa wikang Filipino. Bilang kapalit ng pagtulong namin sa kanya, nanghingi akong turuan nya akong mag-Fukien. Sumuko ako Day 1 kasi may mga hindi ako magayang sounds.

No comments:

Post a Comment