Friday, October 24, 2014

Roses Are Red

Naalala ko yung diskusyon sa klase noong minsan tungkol sa pagpapangalan ng kulay sa Tagalog. Nabanggit noon na itim, puti, at pula lamang ang mga salitang ginagamit ng mga ninuno sa pagpapangalan ng kulay, at kung hindi ito sapat ay humahanap ng mga bagay sa kapaligiran na may ganitong kulay. Dagdag pa rito, nagkaroon lamang ng mga terminolohiya sa ibang mga kulay noong dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas.

Bilang nakabatay ang malaking bahagi ng Filipino sa Tagalog, masasabing halimbawa ang screenshot sa itaas kung paanong tinutukoy ng mga ninuno ang kulay pink noong panahon na yon. Malamang ay nagkaroon na ng pagkakataong kinailangang ilarawan ang kulay na ito, at imbis na maghanap ng bagong terminong gagamitin ng lahat, mas madali na lang ilarawan ang kulay gamit ang mga natural na bagay sa kapaligiran.

Pero panahon pa ito ng mga ninuno.

Sa panahon ngayon, nakabaon na rin naman sa talasalitaan ng isang karaniwang Pilipino ang pink, o sa isang mas malawak na pag-unawa, ang ibang mga banyagang terminolohiyang nagbibigay ng ngalan sa mga konseptong walang ngalan, o may di-sikat na ngalan, sa Filipino. Kumpara noon, wala nang pangangailangang maghanap ng terminolohiya para ilarawan ang isang karanasan, dahil mayroon nang salitang makapaglalarawan para rito, kahit na hindi ito orihinal na mula sa Filipino.

Kung ganun, hindi ito kaso ng pangangailangan, kundi iba pa. Sa aking palagay, bahagi ito ng mga adhikaing gawing purista ang wikang Filipino - kasi may bahid ng pagiging elegante ang isang puristang wika. Nakapagpapaangat ito ng damdaming makabayan sa mga Pilipino.

Wala akong problema sa ganitong adhikain. Ayos lang din sakin ang Filipino ngayon, dahil isinasabuhay din naman ng Filipino ngayon ang kasaysayan ng Pilipinas - isang kasaysayang biktima ng kolonyalismo at imperyalismo. Kung paninindigan ng pamahalaan ang ganitong adhikain, malaking trabaho ito na nangangailangan ng malawakang implementasyon, matinding paghahanda, at mahigpit na pagpapatupad. Maraming dahilan kung bakit hindi pumatok sa masa ang mga terminolohiyang salipawpaw para sa eroplano (sasakyang lumilipad sa himpapawid), saluso para sa bra (pansalo ng suso), tinalagit para sa sandwich (tinapay na may laman sa gitna) o tinwingi para sa radyo (tinig na tumatawid sa hangin). Pumapasok ang ease of articulation ng mga dating terminolohiya, ang pagkakaloob sa mga nagsasalita ng Ingles at Espanyol ng mas mataas na social status, ang kakulangan ng mga salita mismo para mailarawan ang karanasan, o ang mismong kakornihan.

Talagang sobrang hirap kung paninindigan ang adhikaing ito. Maraming social constructs na kailangan buwagin at itama. Pero sa kabila ng hirap ay maaaring masarap kung matitikman ang tagumpay.

Thursday, October 16, 2014

Sining ng Trashtalk


Tampok sa larawan sa itaas ang isang screenshot ng Dota 2, at ang trashtalk-an na nagaganap sa chatbox sa may bandang gitna. Bilang isang fan ng online games na may kalarong ibang tao, hindi na ako bago sa trashtalk.

Trashtalk. Puro satsat na walang laman, walang value-adding. Puro na lang "bobo ka", "bobo mo talaga", "weakshit", "noob", "walang kwenta", at kung anu-ano pa. Minsan, isa lang itong outlet ng inis at sama ng loob, kung saan ibig mo talagang iparating na bobo sya o wala syang kwenta. 

Gayunpaman, may isa pang mas mahalagang silbi ang trashtalk.

Sa Dota 2, tulad ng ibang competitive na mga laro, isang strategy ang trashtalk, dahil may kakaibang tagos ang mga salita sa damdamin ng isang tao, at nagbabago ang paglalaro nito depende sa kanyang emosyon. Kung trashtalk sa kalaban, nagiging galit ito, nagiging pabaya, at sa huli ay naitatalo ang laro. Kung trashtalk sa kakampi, naghahangad kang pilitin siyang umayos sa paglalaro gamit ang negative reinforcement. Hindi na ito simpleng paglalabas ng inis at galit, kung hindi isang mabisang paraan upang makamit ang inaasam na tagumpay.

Saklaw rin ng trashtalk ang pagmumurahan bukod sa pang-iinsulto. Minsan nadadamay pa ang mga mahal sa buhay tulad ng mga nanay ng mga player, o mga yumaong kamag-anak na sinisisi ang pagkamatay dahil sa paglalaro at kaadikan daw ng mga player. Minsan ay nakakamangha pano mang-trashtalk ang ibang mga tao - lumalabas ang imagination at creativity ng mga players mainsulto lang ang dapat mainsulto.

Ang pinakagusto ko sa trashtalk ay ang maikling lifespan nito. Sa ilang taong paglalaro ko, nabibilang sa daliri ang mga trashtalk na nagpapatuloy matapos ang laro. Sa huli, nagpapamalas ang mga player ng sportsmanship, at naiintindihan ng lahat na kasama talaga ito sa laro.

Sa Paglalapi

Sobrang hirap ituro ng paglalapi.

May kaibigan kaming lumaki sa isang Chinese-English-Filipino-speaking community. Pero sa tatlong yun, pinakamadalang na ginagamit ang Filipino. Kaya nung pagpasok nya nung UP, pumasok na yung konsepto ng register na kailangan nyang mag-Filipino sa pagkausap sa aming mga bago nyang kaibigan. Agad-agad ay kapansin-pansin ang kanyang pagsasalita.

Yung accent madaling palagpasin. Yung kakulangan sa vocabulary, naaagapan. Pero sobrang hirap ipaliwanag ng paglalapi. Noong unang linggo naming magkakasama, bigla na lang natitigil ang usapan kapag may mga kakaibang mga salita kaming naririnig, na hindi naman talaga kakaibang salita kundi mga salitang kakaiba ang paglalapi. Kung bakit iba ang lumakad sa nilakad at kung kailan ginagamit ang mga ito, at kung bakit gingamit ang nagsisilakad imbis sa naglalakaran. Minsan ay nakalilibang isipin kung sa aling salita galing ang mga rules na ginagamit nya sa paglalapi ng ibang salita, at mula sa repleksyong ito ay madaling makita na walang clear-cut rules sa paglalapi sa wikang Filipino.

Hindi natin nararamdaman ang hirap na ito dahil lubog na tayo sa wikang Filipino bilang lingua franca. Walang pormal na edukasyon tungkol sa paglalapi - bigla na lang natin itong naiintindihan at ginagaya. Kaya't minsan, isang katanggap-tanggap na tanong sa pagitan ng mga nagsasalita sa Filipino ang "May ganyang salita ba?", at hindi ito dahil sa kahulugan, kundi dahil sa porma ng paglalapi, lalo na sa mga kakaibang salita.

Matapos ma-expose sa amin, naging mas matatas na sya sa wikang Filipino. Bilang kapalit ng pagtulong namin sa kanya, nanghingi akong turuan nya akong mag-Fukien. Sumuko ako Day 1 kasi may mga hindi ako magayang sounds.

Balarila Nazi


Marahil ang pinakatanyag na isyu sa pagsulat ng Ingles ay ang tunggaliang You're at Your. Kahit alam ko ang kaibahan ng dalawa, nagkakamali pa rin ako minsan sa paggamit sa kanilang dalawa. Pero minsan lang naman. Lalo pang lumala ang isyu noong nagkaron ng pangangailangan na paiksiin ang mga salita sa text. Madalas, kapag itinatama ng ibang tao ang paggamit ng Your vs. You're ng ibang tao, naaakusahan pa silang Grammar Nazi kahit na parang simple lang naman ang kaibahan ng dalawa.

Pero may ganitong tunggalian dito sa Filipino. Isang tunggaliang mas malala at mas mabagsik; Ng vs. Nang.

High school na ako nang matutunan ko kung kailan ang tamang gamit ng Ng kaiba sa Nang. Sobrang sarap sa pakiramdam. Lalo na nung nagkaroon ako ng lakas ng loob itama ang iba sa paggamit nila ng mga salitang ito. Madalas na tugon ang, "Parehas lang yun!" o kaya ay "Wala akong pakialam!"

Sa bawat tugon ay may kaakibat na kaunting kurot sa aking damdamin.

Sa mga academic setting kung saan palaging nasa isip ng mga tao ang tunggaliang Your at You're, masakit isiping hindi pinaglalaanan ng isip ang tunggaliang Ng at Nang. Tayong tinuturing na mga may pinag-aralan ang higit na dapat magtaguyod sa tamang paggamit ng Filipino. At sa academic setting, lalo na sa UP, hindi ito usapin kung alam mo ang tamang paggamit - dahil dapat alam mo - kung hindi sa wala naman talagang urgency na mag-ingat sa dalawang ito, dahil wala namang nagsusulat sa Filipino. Nananatiling wikang "di-pormal" ang Filipino, nakakulong ang gamit sa talastasan at pakikipagkwentuhan. Nagkakaroon lang naman ng problema sa Ng at Nang kapag kailangan mong isulat ang sinasabi mo, at napakadalang mangyaring magsusulat ka sa Filipino.

Nananatili akong isa sa mga taong mainit ang mata sa paggamit ng Ng at Nang. Nalulungkot ako na dumating na tayo sa puntong wala nang pakialam ang mga tao kung paano mo babaybayin ang pantig na ito, dahil yun nga, gets mo naman ang ibig-sabihin ng pangungusap kahit mali ang baybay mo.

Nakakainggit lang na sa Ingles, ang laking isyu ng Your at You're, at hindi ganito sa Ng at Nang. 

Ang Sugo

Bagama't public school, karamihan ng mga mag-aaral ng Manila Science High School ay mula sa mga private elementary schools. Hindi ko alam kung nakasalalay ang trend na ito sa kaledad ng edukasyong public vs. private, sa tayog ng mga pangarap ng mga elementary students, sa antas ng pagkakabahagi ng mga oportunidad, o sa kung ano pa mang dahilan. Isa itong komplikadong diskusyon. Kabilang ako sa mga kakaunting produktong public.

Pero malinaw kong naalala ang naging papel ko sa mga kaklase ko sa kahabaan ng pagiging estudyante ko ng Masci: ako ang taga-kausap. Kapag kailangan ng kakausap sa guard para payagang lumabas sandali, kapag kailangan ng makikiusap sa janitor kapag may problema, kapag may ipapaayos sa technician, laging ako ang hinahabla. Noon, nakakabit sa akin ang konsepto ng taong marunong mangausap - marunong maki-lebel sa ibang tao.

Halos kasabay nito, ako rin ang laging pinapadala sa mga teacher kung may mga problema, manghihingi ng deadline extension, manghihingi ng free time, or kung ano pa man. Hindi nagtagal, pati ang ibang mga opisyal ng school tulad ng guidance counselor, department heads, at principal, sakin na rin pinapupuntahan kapag may mga kailangan ang section. Lalo't higit nasa star section ako palagi noon kung saan lalong mas daig sa bilang ang mga produktong public, nakakabit na talaga sa akin ang impresyon na kaya kong dalhin ang kahit anong usapan.

Iniisip ko kung anong nakita nila sa akin at laging ganun ang papel ko, at nagpapauto naman ako. Pero marahil may kinalaman yun sa lawak ng aking "bokabularyo" - ang kakayahang maghayag ng iisang konsepto sa iba't-ibang paraan depende sa kausap at konteksto. Naisip ko kung may limitasyon ang linguistic concept ng register - kung saan inaakma ng tao ang kanyang wika sa kausap at konteksto. Marahil minsan, hindi kayang iakma ng isang tao, sa pamamagitan ng register, ang kanyang wika sa isang partikular na sitwasyon, at marahil iniisip nilang mas mabisa ang register ko kaysa sa kanila.

Hanggang ngayong kolehiyo, ako ang taga-tawag sa waiter, taga-away sa konduktor na naniningil nang sobra, taga-kontrata sa taxi, taga-tanong ng mga direksyon sa mga tambay, at kung anu-ano pa. Iniisip ko nga kung nasa public schooling background ko ba yun, o nasa itsura na, kung paano napipili ng grupo kung sinong isusugo sa mundong labas.


Wednesday, October 15, 2014

Panimula

Bakit?

Minsan, masarap mag-overthink.
Minsan, masarap isipin ang mga hindi karaniwang iniisip ng iba.
Minsan, masarap huminto at magmuni-muni tungkol sa mga bagay na basta nandyan na sa'yo.

Masarap dahil mas naiintindihan mo ang sarili mo, ang ibang tao, at ang mundo.

Kaya masasabi kong masarap mag-linggwist-linggwistan - inaaral mo ang wika at ang ugnayan nito sa kultura at lipunan. Isang mahalagang bahagi ng pagiging tao ang konsepto ng wika, kahit na madalas itong taken for granted. Kaya sa blog na ito, nasa wika ang spotlight. 

Sa sipat ng isang tulad kong amatyur linggwist, sisikapin ng blog na ito bigyan ng kahulugan o paliwanag ang mga piling karanasan kung saan mahalaga ang wika o ang mga paraan sa paggamit nito.

Mahirap mag-overthink.
Mahirap din isipin ang mga hindi karaniwang iniisip ng iba.
Pero sisikapin kong makasilip ka rin sa sipat ko.